Editorial
OPINYON | Barbell to Blackboard
J
John Alfred Baldera
Feb 02, 2026
3
4
Taong 2021, matatandaang halos punuin na ng mukha ni Diaz ang mga pahayagan, tila isang sikat na artista dahil laging nakikita sa social media, napapanood sa telebisyon at laman ng usapan sa buong mundo. Ngayon ay muling umugong ang pangalan niya hindi dahil sa nakamit na medalya o parangal. Ito ay matapos isa-publiko ang balitang siya ay hahawak ng klase sa University of the Philippines-Diliman kung saan humakot ng mga negatibong reaksiyon at komento na lalo pang lumikha ng ingay.
May karapatan ba siyang magturo? Hindi ba’t hindi naman siya nagtapos ng kursong pang-edukasyon? Kailan naging sapat ang medalya upang pumalit sa diploma?
Makatuwiran ang ganitong mga tanong, lalo na sa isang lipunang mahigpit pagdating sa kredensyal. Alam naman nating ang pagiging guro ay matagal nang itinuturing na propesyong nakalaan lamang sa mga may diploma at lisensiya. Dumaraan sila sa pagsasanay, board exam, at taon ng pag-aaral upang makapagturo. Kaya ang paghirang sakanya bilang instruktor sa UP Diliman kahit wala itong pormal na degree sa edukasyon ay nagdulot ng usaping kung ito ba ay isang pribelihiyo, uri ng special treatment, o sadyang pagbaluktot ng sistema na nag-kwestyon sa kaniyang kakayahan.
Ang pagpasok niya sa akademiya ay maituturing nating panibagong mukha ng kaniyang karera. Ngunit hindi rin naman ito nangangahulugan na iba na ang mundong gagalawan niya sapagkat hindi naman nalalayo sa kaniyang larangan ang bago niyang pagkakaabalahan. Hindi rin naman siya basta lamang pinaburan dahil sa kaniyang naabot o nabigay para sa bansa. Ang pagpapasya ay sumailalim sa tamang prosesong pang-akademiko at umaayon sa batas.
Sa ilalim ng Republic No. 9293, isang batas ng Pilipinas na nagbabago o nag-amyenda ng ilang bahagi ng Republic Act No. 7836, na mas kilala bilang “Philippine Professionalism Teachers Act of 1994” na nagpapatakda kung paano nagiging lisensyadong guro ang mga nagtuturo sa bansa.
Nakapaloob dito ang pag-re-register at special o temporary permits na naglalayong makakuha ang isang indibidwal ng professional teaching permit o special permit kahit hindi kumuha ng licensure exam. Ang special permit ay ibinibigay lang sa mga taong may espesyal na kakayahan o espesyalisasyon na kailangan ng paaralan pero wala pang lisensiya bilang guro. Maaring makakuha ng special permit ang isang indibidwal kung kukunin siya bilang instructor, coach o lecturer at nire-rekomenda ng paaralan.
Sa kaso niya, sakop siya ng sinasabing special permit sa kadahilanang magtuturo lamang siya bilang instruktor, kasama na ang kaniyang kasanayan at espesyalisasyon. Ang University of the Philippines-Diliman kung saan magtuturo ang atleta ay may prinsipyong tinatawag na academic freedom na ginagarantiyahan ng 1987 Philippine Constitution (Art. XIV, Sec. 5[2]) at mas pinaigting ng Republic Act No. 8292, kung saan binibigyan ang mga institusyon ng mas malawak na awtonomiya sa pagpili kung sino ang magtuturo at anong kurikulum ang hahawakan.
Ito ang legal na basehan na madalas ginagamit ng mga pamantasan tulad ng UP para magtalaga ng mga practitioner, eksperto, at iba pang hindi tradisyunal na guro. Sa madaling sabi, puwedeng sabihin na may lehitimong batayan ang pagtuturo niya dahil mahalaga ang kanyang espesyalisasyon sa weightlifting at malaya ang universidad sa pagpili ng taong makakatuwang sa nasabing kurikulum.
Dagdag pa rito, sumailalim rin siya sa apat na araw na seminar o kursong pang-pedagohiya (Teaching Effectiveness Course) at ang kaniyang pagtuturo ay limitado lamang sa PE 2 (Weightlifting), isang asignaturang praktikal, hindi teoretikal, at direktang nakaangkla sa kanyang espesyalisasyon. Sa madaling sabi, hindi siya magtuturo ng kasaysayan, agham, o edukasyon.
At sa huli, ang pagpasok niya sa akademya ay hindi isang uri o simbolo ng palakasan—na kung sino ang may pangalan o tanyag ay agad pinapaburan. Ito ay paalala na ang tagumpay ay may kaakibat na responsibilidad at ang pagbabahagi ng kaalaman ay isa sa pinakamataas na anyo nito. Hindi maikakaila na may mga lisensyadong guro na hindi sapat ang kaalaman tungkol sa kanilang tinuturo kahit na taon nagsanay.
Dahil may mga mga kaalaman at karunungan na hindi natutunan sa loob ng silid-aralan o napapaliwang ng aklat lamang. Ngayon kung ang isang Olympic gold medalist ay handang magturo, magbahagi, at maghubog ng susunod na henerasyon, marahil ang tanong ay hindi “Bakit siya?” kundi “Bakit hindi?”
// panulat ni John Alfred Baldera
// paglalapat ni Jander Rosh Narsoles
END OF STORY